Wednesday, May 26, 2010

non-sense

Disclaimer: Ang suspetsa ay maaaring makasira ng relasyon

May ilang buwan na rin simula ng gawin ko ang masasabi kong pinaka matinding kasalanan na nagawa ko sa kanya pero ngayon lang tumitimo sa akin kung gano kasakit ang ginawa kong iyon.

Isang pagkakataon ang nagdulot sa akin upang gawin ang bagay na susukat ng tiwala ko sa kanya. Nag-ugat sa isang sms, sinundan ng bahagyang pagtatanong sa sarili, nagbunga ng lakas ng loob, humantong sa paghihinala at ngayon... walang kapararakan ang mga ginawa ko na yun.

Bakit nga ba hanggang ngayon isyu pa rin sa akin ang textmate? Tama siya, wala naman akong naririnig mula sa kanya kapag nagkukuwento ako o nakikita niya akong nakikipagkamustahan sa mga textmate ko din pero bakit sa sarili ko hindi ko matanggap na ang bagay na ito ay hindi naman dapat pinag-uugatan pa ng matinding paghihinala na tiyak na mauuwi lang naman sa pag-aaway.

Ngayong nalaman ko na ang textmate niyang yun (na palihim kong kinuha ang number at tinext para masigurado kung ano ang meron sila) eh nanatiling plain textmate pa din hanggang ngayon, mukhang napahiya ata ako sa ginawa at naisip ko.

Ang sitwasyon na ito ay pwedeng segundahan ng pangyayari na ang mysterious textmate na ito ay naging jowa ng kaibigan ko, dahil na rin sa katarantaduhan ko na nagpanggap akong siya para lang makumpirma ang mga bagay na nasa utak ko nung mga panahon na yun.

Nang magbunganga na siya sa akin, nadala ako, natakot at umaasang maayos pa ang gusot na pinasok ko. Naramdaman ko kung gano kasakit sa kanyang malaman na wala akong tiwala sa kanya samantalang siya lagpas langit ang pagtitiwala.

Hindi ko siya masisi kung bakit ilang linggo inabot ang gulo namin na yun pero mabait pa rin talaga sa akin ang pagkakataon at ang Bro dahil naayos naman namin ang dapat maayos.

Isang bagay lang, hindi kailanman tatakbo ng maayos ang isang pagsasama kung puno ng paghihinala at suspetsa. Kaakibat ng salitang commitment ang salitang trust na siyang magpapanatili sa pagsasama.

* At ang mga salitang gaya ng textmate ay hindi dapat masyadong pinaglalaanan ng panahon lalo kung alam mo sa simula pa lang kung gano ka kamahal ng asawa mo... mas lalo pa kung sinabi niya ng personalna mahal ka niya at walang anumang dahilan upang lokohin ka niya (awww, sweet!)

No comments: